ISANG grupo ng magsasaka ang nagpasaklolo sa programang Tutok Erwin Tulfo dahil anim na buwan nang delay ang bayad sa kanila ng isang kompanya na aabot sa P17 milyon.
Pasko noong nakaraang taon nang kuning supplier ng Trenchant Trading, nanalo sa bidding sa lokal na pamahalaan ng Pasig, ang Nagkakaisang Magsasaka Agriculture para mag-supply ng pamaskong handog sa mga residente ng nabanggit na lungsod.
Aabot umano sa mahigit P200 milyon ang kontrata ng Trenchant para sa proyekto pero hanggang ngayon umano ay kulang pa ng P45 milyon ang Pasig City at P17 milyon doon ay pambayad sa grupo ng magsasaka.
“Kailangan na po namin ng puhunan. Siyempre ma’am ano second crafting. Paano naman po ang pangpuhunan ng mga binhi na ‘to kung halos ilang milyon hindi nababayan. Mabilis naming naibigay ang pangangailangan nila para maayos lahat,” ayon kay Maya Dela Paz, isa sa mga nagrereklamo.
Ipinasa ng ‘Trenchant’ ang sisi sa lokal na pamahalaan ng Pasig dahil may utang pa ito sa kanila kaya hindi nila mabayaran ang grupo ng magsasaka.
Ayon kay Atty. Geronimo Manzanero, inihahanda na raw nila ang bayad sa naturang halaga. Na-delay umano ang bayad sa Trenchant dahil may tinitingnan silang ulat na substandard ang mga produkto.
Sa ipinalabas na video ng grupo ng mga magsasaka, iginiit nila na mismong si Mayor Sotto umano ang nagmamalaki sa mga produktong ipinamahagi sa mga residente. (HNT)