Muslim group sumugod sa Manila City Hall (Akala may ayuda)
ILANG grupo ng mga Muslim ang napasugod sa labas ng City Hall sa lungsod ng Maynila kahapon.
Ito’y upang pumila para makakuha ng ayuda mula sa lokal na pamahalaan.
Dahil dito, nabigla ang mga nagbabantay sa entrance ng Manila City Hall kaya’t nagpatulong sila sa mga pulis para masigurong nasusunod ang inilatag na health protocols.
Pero ayon sa ilang tauhan ng Manila LGU, wala naman silang iniaanunsiyo hinggil sa sinasabing pamamahagi ng ayuda lalo na’t batid nilang nalalapit ang pagtatapos ng Ramadan o Eid’l Fitr ng mga Muslim.
Paliwanag ng ilang mga Muslim, nakatanggap sila umano ng mensahe na mamamahagi ng ayuda ang lokal na pamahalaan kaya’t pinapunta sila agad sa labas ng Manila City Hall.
Iginiit ng grupo, may ilan silang kasamahan na nakakuha ng ayuda kaya’t napasugod sila sa city hall.