NAKATUTUWA naman si Angel Locsin. Nag-message pa siya sa kamag-anak niyang congressman na si Neri Colminares para iparating sa ABS-CBN newscaster na si Alvin Elchico na ‘di siya na-offend sa pagtatanong nito sa kanya kaugnay ng naunsyaming community pantry niya noong nakaraang linggo.
Actually, nakarating na kay Alvin ang pakiusap ni Angel. Ini-repost ni Alvin ang tweet ni Angel sa kamag-anak n’ya (na ang tawag n’ya ay “Kuya,” at “Colminares” ang tunay na apelyido ni Angel).
Mensahe ni Angel kay Congressman: ”Kuya, pakisabi hindi po ako na-offend. Tinanong niya po ang mga tamang tanong na gustong marinig ng tao ang sagot. Ginawa n’ya po ang trabaho n’ya. Wala pong nakaka-offend doon at inirerespeto ko po siya. Pasensya na po kung nakagulo po ako sa kanya.”
Comment pa ni Alvin tungkol sa mensahe ni Angel: ”Salamat, Cong, hehehe! Bugbog na ako sa bashers.”
Pati naman tungkol sa mga “problema” na idinulot ng pagdagsa ng mga tao sa community pantry ng aktres, very apologetic si Angel. At wala naman siyang sinisisi. Ultimong ‘yung chairman ng Barangay Holy Spirit na pinagdausan ng community pantry na idinidikdik sa media na maraming pagkukulang si Angel sa pakikipag-ugnayan sa kanya ay ‘di pinagsasalitaan ng aktes ng kung ano-ano.
Alam n’yo na sigurong pinaiimbestigahan ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año kay Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas ang mga nangyari sa community pantry na ‘yon.
Siguro naman ay lalabas ang katotohanan na wala namang intensiyon si Angel na lumabag sa anumang regulasyon tungkol sa pagpapatupad ng health protocol para kontrolin ang paglaganap ng Covid.
Mabuti naman at nagpalabas na ang ABS-CBN 2 ng pahayag ng pagsuporta na pawang kabutihan ang intensiyon ni Angel sa pagdaraos n’ya ng community pantry noong kaarawan niya. Ang orihinal na plano pa nga n’ya ay tatlong araw gawin ang community pantry kaya’t tatlong araw ang hiningi n’yang permit sa Barangay Holy Spirit.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas