2 patay, 1 sugatan sa Palawan (Alitan sa lupa nauwi sa karahasan)
BINAWIAN ng buhay ang dalawang magsasaka habang sugatan ang isa pa nang mauwi sa karahasan ang alitan sa lupa sa bayan ng Taytay, lalawigan ng Palawan, nitong Lunes ng umaga, 26 Abril.
Ayon kay P/Capt. Regie Eslava, hepe ng Taytay Municipal Police Station, naganap ang insidente sa Brgy. Poblacion dakong 7:00 am na pinaniniwalaang nag-ugat sa alitan sa lupa sa pagitan ng dalawang pamilya.
Kinilala ni Eslava ang mga napaslang na magkapatid na sina Estanislao Gadiano, 60 anyos, at Placido Gadiano, 64 anyos.
Samantala, sugatan ang isa pa nilang kapatid na si Nelson Gadiano, 57 anyos, dinala sa pagamutan sa lungsod ng Puerto Princesa.
Habang abala ang magkakapatid sa kanilang sakahan, biglang dumating ang dalawang suspek saka sila pinagtataga.
Naunang tumakas ang mga suspek na kinilalang sina Jose Española, 63 anyos, at kanyang anak na si Jhuben Española, 30, ngunit kalaunan ay sumuko kay Taytay Mayor Christian Rodriguez, na nagsuko sa kanila sa mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang inihahanda ang kasong murder na isasampa laban sa mga suspek na kasalukuyan nang nakapiit.