DINAKIP ang lima katao nang makompiskahan ng P2.8-milyong halaga ng hinihinalang shabu ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement UNIT (SDEU) sa kanilang ikinasang anti-drug operations nitong Sabado ng gabi, 24 Abril, sa lungsod ng Marikina.
Kinilala ang mga suspek na sina Eugene Lumbre, 61 anyos, alyas Daddy Tong; Marlon Soriano, 34 anyos; Alex Amirel, 31 anyos; Princess Navena, 25 anyos; at Aila Tan, 36 anyos, pawang residente sa nabanggit na lungsod.
Nabatid, dakong 6:30 pm kamakalawa nang masakote ang mga suspek ng mga awtoridad sa Upper Balite, Brgy. Fortune, sa lungsod.
Nakompiska sa mga suspek ang 25 transparent plastic sachet at tatlong bukas na ice bag na naglalaman din ng hinihinalang ipinagbabawal na droga.
Ayon sa ulat ni P/Maj. Fernildo De Castro, hepe ng Marikina CPS SDEU, nasa 420 gramo ng ‘droga’ ang nakompiska mula sa mga suspek at nagkakahalaga ng P2,856,000.
Bukod dito, narekober din ng pulisya kina alyas Daddy Tong ang isang Toyoto Vios, may plakang ABT 1351 at may conduction sticker na P6 Z807, shabu paraphernalia, isang cellphone na gamit sa ilegal na transaksiyon, at cash na P1,000 bilang buy bust money.
Nakapiit ang mga suspek sa detention cell ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comphrensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(EDWIN MORENO)