SA MISMONG baluwarte ni Vice President Leni Robredo nagkaroon ng panunumpa ang mga bagong opisyal ng Hugpong para Kay Sara 2022 kamakalawa.
Sa personal na pagdalaw ni Hugpong ng Pagbabago (HNP) secretary general at dating Davao Del Norte Gov. Anthony Del Rosario sa Legazpi City, Albay, pormal na nanumpa bilang mga opisyal ng Hugpo sa ilalim ng Legazpi City Chapter sina JCI Senate Philippines national president Gregorio Araneta Lipa bilang presidente at JCI Legazpi president Cezar Bordeos, Jr., bilang bise.
Si Bordeos at ama nito na si dating Legazpi Mayor, Judge Cezar Bordeos, Sr., ay kilala bilang mga supporter ng Liberal Party mula sa mga nakalipas na taon.
“Si Sara ay mayroong ideal characteristics para maging mabuting leader at naniwala kami sa kanyang husay, mas mapapabuti ang ating bansa,” pahayag ng batong Bordeos.
Nanumpa din bilang mga opisyal sina Mariano Madella bilang sekretaryo at Luis Bello bilang public information officer. Sa mga darating na araw, inaasahan ang patuloy na pagdami ng mga kaalyado na lalantad upang suportahan ang kampanya ni Mayor Sara Duterte bilang susunod na President ng bansa.
“Ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) ay taos-pusong nagpapasalamat sa lahat ng ating kababayan na nagtitiwala nang malaki kay Mayor Sara. Hindi po kayo mabibigo,” maikling pahayag ni Del Rosario.
Aniya, magiging abala ang Hugpong para kay Sara 2022 sa pag-ikot sa lahat sulok ng bansa.