KUNG tingin ng estado ay panganib ang pagsusulputan ng napakaraming community pantry sa buong bansa, ang pagtulong sa panahon ng krisis ay hind subersibo at ang pagsusulat tungkol sa mga nasabing inisyatiba ay hindi kailanman isang krimen.
Inihayag ito ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) kasabay ng pagkondena sa red-tagging sa miyembro at dating director na si Cong Corrales sa naglipanang posters sa community pantry sa Cagayan de Oro.
Sa kalatas ay sinabi ng NUJP, ang mga poster na nag-red-tag sa volunteer project ay nagkalat sa lugar ng Kauswagan Community Pantry na nag-akusa kay UP instructor Rene Principe, Jr., ang nag-organisa ng pantry, at iba pa bilang mga miyembro ng communist party.
Isang poster umano ang nagsaad na sinusuportahan ni Corrales ang community pantry dahil ito’y proyekto ng communist party.
Itinigil ang operasyon ng Kauswagan Community Pantry dahil sa red-tagging at nalagay sa panganib ang mga taong tinukoy sa posters gaya ng mga napahamak nang mapasama sa inakusahang komunista ng gobyerno o ng anonymous accusers.
“Corrales, who has repeatedly denied persistent red-tagging allegations, wrote about the community pantry in Mindanao Gold Star Daily, where he is an editor. A screenshot of his Facebook post sharing that story was included in the poster,” anang NUJP.
Sinabi ni Corrales ang pagsama sa kanya sa posters ay maaaring pagsusog sa naratibong mga community pantry ay kagagawan ng mga komunista at upang pigilan ang mga mamamahayag sa Cagayan de Oro at karatig lugar na isulat ang mga community pantry.
Nanawagan ang NUJP sa mga awtoridad sa Cagayan de Oro na imbestigahan ang insidente at panagutin ang mga responsable sa red-tagging.
Hiniling ng NUJP sa mga awtoridad na tiyakin ang kaligtasan, hindi lang ni Corrales, kundi maging ng volunteers sa Kauswagan Community pantry at iba pang community pantries sa siyudad.
Madalas na ginagamit bilang estratehiya para manira at manakot ang pagtaguri sa mga indibidwal o organisasyon na kritikal sa gobyero bilang mga maka-kaliwa, subersibo, terorista o komunista.
“Often used to discredit and harass, the strategy of red-tagging accuses individuals or organizations deemed as critical of government of being left-leaning, subversives, terrorists or communists. Membership in the communist party is not illegal in the Philippines,” anang NUJP.