IGINIIT ng lokal na pamahalaan ng Pasig, Maynila, at Caloocan na hindi nila hihingian ng permit ang mga nagsasaayos ng community pantries.
Sa panig ni Pasig City Mayor Vico Sotto, welcome sa kanila ang kahit anong tulong ng mga pribadong mamamayan dahil limitado ang mailalaan ng gobyerno dahil pa rin sa pandemya.
“Community Pantries have sprung up in Pasig. We commend the individuals who are helping as they can afford. Government has limited resources, so any effort to help others is very welcome,” aniya sa tweet.
“Para sa mga nagtatanong, hindi kailangan ng permit. Wala po tayong ‘Permit to Help’.”
Gayondin ang pahayag ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na hindi kailangan ng permit sa pagtatatag ng community pantries dahil aniya, “good deeds need no permit.”
“Directive to MPD: walang huhulihin at pagbabawalan na community pantry sa Maynila. We encourage Manilans to show compassion, care, and Love to One another,” punto ni Moreno.
Kaisa dito si Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan.
“Pasasalamat at suporta ang dapat natin ibigay sa mga nasa likod ng community pantries sa lungsod.
Kung kailangan ng assistance para mapanatili ang social distancing, maaaring ipagbigay-alam sa ating barangay para matulungan, ngunit hindi kailangan ng permit,” lahad ng mayor sa Facebook account.
“Ang pagtulong at pagbabayanihan ay hindi nangangailangan ng anomang permit.”