DUMANAK ang dugo sa mainitang pagtatalo sa dalawang magkahiwalay na inuman na nagresulta sa pagkamatay ng isang 50-anyos magsasakat at pagkakasugat ng isa pa, sa mga bayan ng San Narciso at Tagkawayan, sa lalawigan ng Quezon, nitong Martes, 20 Abril.
Ayon sa ulat ng Quezon PPO, nag-iinuman ang biktimang si Hernani Otcharan, 50 anyos, at suspek na si Eduardo Genton, 48 anyos, sa Brgy. Abuyon, sa bayan ng San Narciso dakong 6:00 pm nang biglang nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa, na nagtapos sa pananaksak ng huli sa una.
Binawian ng buhay si Otcharan habang dinadala sa pagamutan, samantala, nadakip ng mga awtoridad si Ganton.
Sa bayan ng Tagkawayan, muntik nang hindi makaligtas ang magsasakang si Victor Surara, 33 anyos, nang pagtatagain ng suspek na kinilalang si Noel Callos, 54 anyos, sa isang mainit na pagtatalo habang nag-iinuman sa Brgy. Maguibuay dakong 10:00 pm.
Dahil sa rami ng tama ng taga sa katawan, dinala ang biktima sa Maria Lourdes Eleazar Memorial District Hospital upang lapatan ng atensiyong medikal, habang ikinulong ng mga pulis ang suspek.