NATAGPUAN nitong Miyerkoles ng umaga, 21 Abril, ng mga awtoridad ang mga katawan ng dalawang lalaking dalawang araw nang nawawala habang lumalangoy sa tubigan ng Camotes Island, sa lalawigan ng Cebu.
Kinilala ang biktimang si John Mark Donaire Gerodias, 18 anyos, nakitang palutang-lutang sa Canlusong Wharf sa bayan ng San Francisco, sa naturang lalawigan, dakong 9:05 am kahapon.
Isang oras ang nakalipas, natagpuan din ang katawan ni Clark Costanilla Paradero, 21 anyos, sa dalampasigan ng Brgy. South Poblacion, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na nagpunta sa Camotes Islands sa Cebu ang dalawa, kasama ang kanilang mga kaibigan sa kabila ng naglalakihang alon,, dala ng Bagyong “Bising.”
Bukod sa dalawa, nakita rin ng rescuers ang apat na iba pang pinaniniwalaang kasama nila.
Nang maiulat na nawawala, nagsagawa ng search-and-rescue operations ang Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, lokal na pulisya, at rescue team mula sa isla para hanapin ang mga biktima.