MARAMING kababayan natin ang natutulungan nitong community pantries pero sana ay isaalang-alang din ang kalusugan.
Ikinakatuwa ng mga residente ang alituntunin ng mga pantries na nagbibigay ng mga libreng goods na pangunahing pangangailangan gaya ng bigas, de-lata, noodles at marami pang iba.
Malaking tulong ito lalo sa mga kababayan nating mahihirap partikular ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga negosyo mula nang ibalik ang enhanced community quarantine (ECQ) sa buong bansa.
Iyan ang mga kapatid nating “no work, no pay.” O ‘yung mga tinatawag na ‘isang kahig, isang tuka’ at walang ibang inaasahan kundi ang arawan nilang suweldo na ipinagkait sa kanila ng gobyerno.
Sinasaluduhan at hinahangaan natin ang mga taong nasa likod ng community pantries na walang ibang ginawa kundi ibahagi ang lahat ng abot-kaya nilang ibigay sa mga taong mas higit na nangangailangan.
Ang lahat ng kanilang serbisyo ay libre at galing sa sarili nilang bulsa. Iyan ang nagpapataba sa puso ng ilang kababayang naghihikahos. Huwag kayong mag-alala dahil hindi kayo nag-iisa.
Ang mga ganitong galaw ay isang pahiwatig na ang bayanihan na ating kinamulatan ay buhay na buhay pa rin at nananatili a ating puso at diwa.
Sa lahat ng mga taong nasa likod ng proyektong ito na walang ibang intensiyon kundi ang tumulong at wala rin namang inasam na kapalit, mabuhay kayong lahat at nawa’y patnubayan kayo ng Poong Maykapal.
PLDT BRANCH SA TAYUMAN,
WALA ‘RAW’ IPINATUTUPAD
NA PRIORITY O COURTESY LANE
PARA SA SENIOR CITIZENS
Isang branch umano ng Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) sa Tayuman St., Tondo, Maynila ang walang ipinatutupad na priority o courtesy lane sa mga senior citizen, PWDs, at mga buntis.
Ayon sa mga nagrereklamo, sinabi daw sa kanila ng isang security guard at ilang staff ng nasabing kompanya na wala raw silang sinusunod na courtesy lane sa mga senior citizen at PWDs.
Isang pila lang daw ang dapat sundin. Sama-sama lahat ang mga tao kung ano man ang rason o pakay ng kanilang pagpunta. Walang pribilehiyo, prayoridad, at konsiderasyon silang ibinibigay kung kaya’t kawawa ang mga nakatatanda nating mga kababayan, pumipila rin sila — customer service o payment of bills.
Bukod-tanging ang kompanyang ito ang hindi nakitaan ng courtesy lane na naaayon at mahigpit na ipinapatupad ng batas.
Nananawagan ang mga customers o kliyente sa management ng nasabing kompanya na pakibusisi ang isyung ito.
YANIG
ni Bong Ramos