“ONE call away” lang si Uncle Sam kapag kailangan ng saklolo ng Filipinas laban sa pangangamkam ng China sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Philppine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babes” Romualdez, hinihintay ng US government ang tawag ng gobyerno ng Filipinas kung kailangan ng tulong na paalisin ang mga barko na nakaparada sa exclusive economic zone ng bansa sa WPS.
“The United States is obviously waiting for us to call them if we need their assistance in removing or asking the vessels that are parked in our area of responsibility or economic zone,” sabi ni Romualdez sa Malacañang virtual press briefing kahapon.
Magkatuwang aniya ang US Navy at Philippine Navy upang tiyakin ang freedom of navigation sa WPS.
“Both our military, the Armed Forces of the Philippines and the Pentagon have been communicating. Both are obviously working together and the United States just recently sent their USS Theodore Roosevelt and they had an operation there at the West Philippine Sea,” dagdag ni Romualdez.
Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa ng gabi, tanging gera lamang ang makapagpapalayas sa China sa EEZ ng Filipinas sa WPS.
Giit ng Pangulo, batay umano sa US-PH Mutual Defense Treaty, tutulong ang Amerika kapag Filipinas ang inatake ng ibang bansa ngunit kapag tayo ang unang umatake ay hindi aayuda ang US.
Hindi pa man pumuputok ang unang bala sa pinangangambahang pakikipaggera sa China, sumuko na si Pangulong Duterte.
“You know — you know the cost of war. And if we go there really to find out and to assert jurisdiction, I said, it would be bloody. It will result in a violence that we cannot maybe win,” anang Pangulong sa Talk to the People kamakalawa ng gabi.
Minaliit ng Pangulo ang kapangyarihan ng United Nations na utusan ang China na itigil ang pangangamkam sa WPS kahit ibinasura ng Permanent Court of Arbitration ng UN ang historic at sovereign rights claim ng China sa WPS at iklinaro na ito ay teritoryo ng Filipinas.
Batay sa desisyon, walang legal na basehan ang paggamit ng Beijing sa “nine-dash” line para sabihing, sila ang may karapatan sa lugar.
Ani Pangulong Duterte, nananaginip si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa paniwalang kayang ipatupad ng UN ang arbitral ruling laban sa China.
Buwelta ni Carpio, mentalidad ng bata ang pagsuko dahil ang katunggali ay matigas ang ulo.
May nauna na aniyang mga desisyon ang UN na sinunod ng makapangyarihang bansa gaya nang paboran ang Nicaragua kontra sa Amerika na sinunod ng US at ang UN Resolution na nag-utos sa United Kingdom na ibalik ang Chagos Archipelago sa Mautitius batay sa opinyon ng International Court of Justice.
“Getting a UN resolution in your country’s favor is already a huge victory because that means the world community is behind your country. That strengthens enormously your country’s position and weakens greatly your advesary’s position. This is how a country defends its national interest. A country cannot just fold up and give up just because the other side is stubborn. That is a childish mentality,” ani Carpio.
Inihayag ni Duterte, wala siyang interes sa usapin ng pangingisda ng China sa WPS pero tiniyak niya na magpapadala ng warship sa WPS kapag langis na ang inagaw ng China sa EEZ ng Filipinas.