PABOR ang Palasyo na saklolohan ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang PhilHealth sa pagbabayad ng reimbursement ng mga pribadong ospital upang makaagapay sa CoVid-19 pandemic.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi katanggap-tanggap na naaantala ang reimbursement sa mga pribadong pagamutan ng PhilHealth dahil ang pondong ito ang inaasahan upang magpatuloy ang kanilang operasyon.
“Talagang hindi katanggap-tanggap na natatagalan ang reimbursement. Although nagbayad ng P9 billion recently ang PhilHealth, apparently hindi ito sapat or baka hindi na talaga na-release,” sabi ni Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.
“Kung hindi kakayanin ng mga hospital na mag-operate, e sino ang magbibigay ng mga hospital bed capacity na inaasahan natin from the private hospitals,” ani Roque.
Panahon na aniya upang tanggapin ng PhilHealth ang suhestiyon ng DBP na babayaran nito nang advance ang mga ospital kapag nakapagsumite ng mga kaukulang dokumento at ang kailangang pagkasunduan nila ay ano ang mga dokumentong kailangang isumite.
“Mayroon na pong mga inirekomendang hakbang, for instance, ang DBP ay nag-offer na po, sila ang mag-a-advance ng mga receivables ‘no subject to submission of documents ‘no. So, sa akin po, panahon na siguro para pag-aralan talaga ng PhilHealth itong suhestiyon ng DBP ‘no. Bills purchase po ang tawag diyan at ang importante lang naman na pagkasunduan ng DBP at ng PhilHealth ay kung ano iyong mga dokumento na dapat ipresenta para ma-recover or masingil ng mga ospital na pribado sa DBP muna, at DBP ang kukobra/kukolekta sa PhilHealth,” sabi ni Roque.
Humingi ng tulong ang Private Hospitals Association of the Philippines sa Malacañang para pabilisin ang hospital reimbursement ng PhilHealth dahil sa problemang hindi nagtutugma ang submitted records mula sa regional PhilHealth, sa records sa PhilHealth central office.
Nangangamba ang mga ospital na maaari silang magsara dahil wala silang pambili ng mga gagamitin para sa CoVid-19 patients kapag nagtagal pa ang reimbursement ng PhilHealth.