NASAMSAM ng pulisya nitong Linggo, 18 Abril, ang ilang bloke ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P37.3 milyon na iniwan ng tumakas na suspek sa loob ng isang kotse sa lungsod ng Tabuk, lalawigan ng Kalinga.
Ayon sa mga imbestigador, nagtangkang harangin ng mga awtoridad ang kotse sa isang checkpoint sa Brgy. Lacnog nang biglang lumiko ang suspek at kumaripas ng andar.
Pahayag ni P/Col. Davy Vicente Limmong, direktor ng Kalinga PNP, nang makarating ang hindi kilalang suspek sa isang kanal ng irigasyon, iniwan niya ang kanyang kotse na may sakay na 311 kilong mga bloke ng marijuana.
Nabatid na ikinasa ang operasyon nang mayroong nag-tip sa pulisya na may ibibiyaheng mga bloke ng marijuana mula sa bayan ng Tinglayan patungo sa lungsod ng Tabuk.