HINDI nakaligtas sa kamatayan ang pangulo ng Sangguniang Kabataan Federation ng bayan ng Lumban, lalawigan ng Laguna, matapos pasukin at pagbabarilin sa kanyang sariling kuwarto nitong Martes ng hapon, 13 Abril.
Sa ulat, dakong 5:30 pm nang makatanggap ng tawag sa cellphone ang estasyon ng pulisya na nagpapabatid na mayroong insidente ng pamamaril na naganap sa Brgy. Maytalang Uno, sa bayan ng Lumban, sa nabanggit na lalawigan.
Kinilala ang biktimang si Renzo “Eseng” Matienzo, 26 anyos, kasalukuyang SK Federation President ng Lumban, residente sa Cosme St., sa naturang bayan.
Nabatid na nasa loob ng kanyang kuwarto si Matienzo nang biglang dumating ang suspek at pinagbabaril nang maraming beses hanggang mamatay ang biktima.
Matapos ang pamamaril, agad tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na direksiyon.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang 10 basyo ng bala ng kalibre .45 baril.
Ayon kay P/Capt. Jose Marie Peña, hepe ng Lumban police, nagkasa na sila ng hot pursuit operation upan matugis at matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at kanyang motibo sa likod ng pamamaslang.
Sa kanilang Facebook page, labis na nagdalamhati ang mga kabataan at kasamahan sa konseho ni Matienzo.
Nakilala bilang isang masayahin, matulungin at mabait na lider-kabataan si SK Eseng na naging malapit din sa mga lider-kabataan ng Bayan ng Siniloan.
Inihayag ng Pambayang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan ng Siniloan ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan at malalapit sa buhay ni SK Eseng.
Kasabay nito, mariing kinondena ang pagpaslang kay SK Eseng.
Nananawagan ang Pederasyon ng hustisya para kay SK Eseng sa anila’y karumaldumal na pangyayari at sa lahat ng mga naging biktima ng extrajudicial killings.
Nagpasalamat sila sa pagiging isang mabuting ehemplo ng mga kabataan sa bayan ng Lumban ni Matienzo.
Anila, baunin nawa ni SK Eseng mo ang pagmamahal ng mga kabataan sa bayan ng Siniloan.
(BOY PALATINO)