PARA tulungang makabangon ang mga apektadong residente sa gitna ng krisis dulot ng pandemya, inilunsad ng isang grupo ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer or Questioning Plus (LGBTQ+) ang libreng skills training sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Ayon kay Jhune Angeles, lider ng grupo, tuturuang manahi sa ilalim ng programang dressmaking ang mga interesadong residente ng 33 barangay sa lungsod.
Sinuportahan din ng mga punong barangay ang proyekto para matulungan ang kanilang kababaryo upang magkaroon ng karagdagang mapagkakitaan ang mga pamilya.
Nakipag-ugnayan sila sa tanggapan ni Mayor Carmelo “Pogi”Lazatin, Jr., sa pamamagitan ng kanyang chief adviser at tactician na si IC Calaguas, at kay Gender and Development (GAD) Office head, Mina Cabiles upang mabigyan ng makina at materyales na gagamitin ng mga kalahok sa kanilang pang-araw-araw na pagsasanay.
Katuwang ng grupo ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para maging sertipikado sa kanilang pagtatapos sa dressmaking skills training.
Mahigpit na ipatutupad ang mga panuntunan ng IATF para sa safety minimum health protocol bukod pa sa limitado ang bilang ng mga kalahok sa bawat sesyon na gaganapin sa loob ng multi-purpose hall ng barangay na masusing oobserbahan ang social distancing para maiwasan ang hawaan ng CoVid-19.
(RAUL SUSCANO)