NADAKIP ang isang trabahador sa azucarera matapos magpanggap na babae sa social media para pagnakawan ang kanyang mga biktima, sa isang entrapment operation na ikinasa ng mga awtoridad sa Crossing Gaston, Brgy. Punta Mesa, bayan ng Manapla, lalawigan ng Negros Occidental.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Alvin Amandog, 27 anyos, residente sa Brgy. Tortosa, sa nabanggit na bayan.
Ayon kay P/Lt. Abegael Donasco, Negros Occidental police deputy information officer, nagpapanggap si Amandog na isang magandang babae sa Facebook at gumagamit ng ilang pekeng pagkakakilanlan.
Inaakit umano ang kanyang mga biktima, saka yayayaing makipagkita, pero tututukan ng baril at pagnanakawan.
Nagsampa ng reklamo sa himpilan ng pulisya ang ilan sa kanyang mga nabiktima kaya agad nagkasa ng entrapment operation ang Manapla police laban sa suspek.
Nakuha mula sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu, dalawang baril, isang basyo ng bala ng kalibre .38 baril, cellphone charger, at sling bag na nabatid na pag-ari ng dalawa sa kanyang mga biktima.
Ani Donasco, sasampahan ang suspek ng mga kasong may kaugnayan sa panlilinlang, ilegal na droga, pagnanakaw, at ilegal na pagmamay-ari ng armas.
Hinihimok ng pulisya na lumutang ang iba pang mga nabiktima at sampahan ng reklamo ang suspek.
Binalaan ni P/Col. Romy Palgue, provincial director ng Negros Occidental PPO, ang netizens na maging maingat sa pakikipagkita sa mga taong nakikilala sa social media upang hindi mabiktima ng mga kriminal na nagpapanggap na iba ang pagkatao.