NANAWAGAN kahapon ang Infrawatch PH sa National Telecommunications Commission na magsampa ng Motion for Early Resolution sa Supreme Court para pinal na maresolba ang apela ng NOW Telecom na humihirit ng rekonsiderasyon sa desisyon ng Court of Appeals noong 2009 na kumakatig sa letter-assessment ng NTC para pagbayarin ng P126,094,195.67 supervision and regulation fees at P9,674,190 spectrum user fees ang Next Mobile Inc., na ngayo’y gumagamit ng pangalang NOW Telecom Company, Inc.
Sa isang statement na ipinalabas ni Terry Ridon, Infrawatch PH convenor at dating House legislative franchises committee member, idiniin na ngayong tumitindi ang coronavirus crisis, lahat ng kontribusyon ng bawat ahensiya sa pondo ng bayan ay isang pangunahing obligasyon.
Kung mareresolba aniya ang apela ng NOW ay makatatanggap ang gobyerno ng karagdagang P2,566,410,944.99 (P2.566 bilyon) na bagong pondong magagamit laban sa pandemya.
Ito ay base na rin sa sulat ng NTC sa NOW Telecom noong 12 Oktubre 2020, nakasaad ang standing financial obligation ng naturang kompanya sa regulator. Ang halagang ito umano ay sapat para mabigyan ng subsidiya ang may 641,500 households kaya hindi dapat maliitin ang kahalagahan ng inisyatibang ito.
Ayon kay Ridon, binanggit ng Commission on Audit sa 2019 annual report nito ang isyu tungkol sa ipinoprotestang receivables ng NTC na umaabot sa P3,304,104634.36 (P3.304 bilyon) na ang tanging apat na kaso ang nasasaklaw ng P3.216 bbilyon o 97.3-porsiyento ng kabuuang halaga.
Sa kabuuang receivables umano ng NTC, ang obligasyon ng NOW ay halos 77.7 percent ng kabuuang receivables ng regulator kaya naman mahalagang maaksiyonan at maresolba ang apela sa SC.
“Relating NTC’s total receivables to NOW’s account, the telco’s obligations constitute at least 77.6-percent of the regulator’s total receivables. As such, resolving the SC appeal is imperative, not only from a revenue standpoint, but also from an audit standpoint,” pahayag ni Ridon.
Kaugnay nito, hinikayat ni Ridon ang SC na agad aksiyonan ang naturang isyu para maharap ng regulator ang iba pang receivables na umaabot sa P650 milyon.
“Bawat piso na puwedeng maibahagi ng bawat ahensiya sa laban ng pamahalaan sa coronavirus ay napakahalaga. Kung makokolekta ang natitirang P650 milyon, ang halagang ito ay magbibigay sa gobyerno ng pondo para sa 162,500 pamilya,” ani Ridon. (HNT)