SUGATAN ang isang sundalo at isang sibilyan nang sumabog ang isang improvised explosive device sa bayan ng Tipo-Tipo, lalawigan ng Basilan, nitong Lunes, 12 Abril, isang araw bago ang pagdiriwang ng Ramadan.
Ayon kay Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., hepe ng Western Mindanao Command ng Philippine Army, naganap ang insidente ng pagsabog dakong 6:25 am kamakalawa habang nagpapatrolya ang mga tropa ng 12th Division Reconnaissance Company sa Brgy. Baguindan, sa nabanggit na bayan.
Agad nilapatan ng pang-unang lunas ang dalawang sugatang biktima saka dinala sa isang pagamutan sa lungsod ng Lamitan.
Ani Brig. Gen. Domingo Gobway, commander ng Joint Task Force Basilan ng Philippine Army, nasa ligtas nang kalagayan ang mga biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa pagtutulungan ng mga sundalo at pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa naganap na insidente ng pagsabog.