WALANG pagbabagong ipatutupad sa restriksiyon ng public transport capacity at operations ngayong modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sa abiso ng Department of Transportation (DOTr) kung ano ang public transport modes na available noong General Community Quarantine (GCQ) ganoon pa rin ang ipatutupad ngayong MECQ.
Samantala, gaya ng enhanced community quarantine (ECQ,) tanging authorized persons outside residence (APOR) lamang ang papayagang sumakay sa mga pampublikong sasakyan.
Ipinag-utos ni DOTr Secretary Arthur Tugade sa Land Transportation Regulatory Board (LTFRB) na tiyakin ang pagbubukas ng karagdagang ruta ng pampasaherong jeepney sa Metro Manila.
Simula 13 Abril, 60 ruta ng traditional public utility jeepney ang bubuksan ng LTFRB sa NCR.
Magbubukas ng karagdagang ruta ng provincial buses, alinsunod sa requirements at guidelines ng concerned local government units (LGUs).
Bubuksan ng LTFRB sa 15 Abril, ang 190 ruta ng provincial public utility bus.
Magpapatuloy umano ang free ride for healthworkers and medical frontliners program sa buong bansa, gayondin ang free ride for APORs gamit ang mga jeepney at bus na nag-o-operate sa ilalim ng service contracting program.
Iniutos rin ng Kalihim sa lahat ng transportation sectors na siguraduhin ang mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon. (JAJA GARCIA)