TUTOL si Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat sa pagbaba ng taripa ng karneng baboy.
Aniya, papatayin nito ang mga Pinoy na magbababoy.
Ani Cabatbat, babaha ang merkado ng imported na baboy matapos pirmahan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 128 na nagbababa ng taripa sa importasyon ng karneng baboy.
Mula sa dating 30%-40% taripa ay ibinaba ito sa desperadong 5%-10%.
“Naiintindihan natin ang pangamba ng Presidente na kailangang masolusyonan ang kakulangan ng supply ng baboy sa merkado dala ng African Swine Fever (ASF). Pero nakalulungkot na ang naging solusyon dito ay magpapahirap pa lalo sa ating mga kamagsasakang magbababoy,” ayon kay Cabatbat.
Anang kongresista, sa gitna ng pagtutol ng hog-raisers groups at agri-groups, noong 26 Marso ay dinagdagan ni Pangulong Duterte ng 350,000 tonelada ang kasalukuyang 54,210 tonelada na Maximum Access Volume (MAV) para sa importasyon ng karneng baboy dahil sa kakulungan ng supply nito sa merkado.
“Nakita natin ang ganitong klase ng solusyon sa Rice Tariffication Law na naglayong pababain ang presyo ng nagkukulang na supply ng bigas sa merkado sa pamamagitan ng pagbabawas ng taripa sa importasyon ng bigas. Bumaba ba ang presyo ng bigas sa merkado? Gumanda ba ang buhay ng mga rice farmers natin? Sa ganitong klase ng solusyon, talo ang mga ordinaryong Filipino na konsumer at magsasaka – tanging malalaking importer lang ang panalo rito,” pahayag ng kongresista.
Sa tingin ni Cabatbat, band-aid solution lamang ang ginawa ng pangulo imbes mabigyan ng mas mataas na badyet ang ating Department of Agriculture para mapalago ang ating agricultural sector.
“Kailangan palakasin ang lokal na agrikultura at kakayahan natin na pakainin ang ating sariling bansa, lalo ngayong panahon ng pandemya na limitado ang international trade,” ani Cabatbat.
(GERRY BALDO)