TINATAYANG P5,000,000 ang halaga ng pinsala nang matupok ng apoy ang isang tindahan ng muwebles sa lungsod ng Calapan, lalawigan ng Oriental Mindoro, nitong Miyerkoles ng madaling araw, 7 Abril.
Ayon kay Fire Officer 3 Jonjie Gamier, team leader ng mga nagrespondeng bombero mula sa kalapit bayan ng Baco, iniulat ng mga nakasaksi na nagsimula ang sunog sa tindahan sa Brgy. Suqui dakong 2:50 am.
Nabatid, dahil nasa quarantine ang mga responde ng Calapan fire station, tinawagan ng Office of the Fire Provincial Director ang Baco para humingi ng tulong bandang 3:47 am.
Dumating ang grupo ni FOR3 Gamier sa lugar ng sunog dakong 4:00 am at tuluyang naapula ang sunog pagsapit ng 6:20 am.
Tumulong ang mga tauhan ng Calapan Public Safety Department, Bureau of Fire Protection-Calapan, Tamaraw Fire Volunteer, at Oriental Mindoro Electric Cooperative, Inc., upang mapatay ang sunog.
Ayon sa mga may-ari ng tindahan, tinatayang nasa P5-milyong halaga ng mga muwebles at produkto ang nawala dahil sa sunog.
Samantala, iniimbestigahan ang insidente kaugnay ng sirang electrical system.