DINAKIP ng mga awtoridad ang isang miyembro ng Philippine Army na pinaniniwalaang bumaril sa dalawang sibilyang residente sa lungsod ng Urdaneta, lalawigan ng Pangasinan, nitong Martes ng gabi, 6 Abril.
Kinilala ng lokal na pulisya ang suspek na si Private First Class Nicho Argos, 27 anyos, ng Brgy. Dilan Paurido, sa nabanggit na lungsod, na sinabing binaril, gamit ang kanyang service firearm, ang mga biktimang sina Celine Doria, 20 anyos, at Fernando Manzano, 28 anyos, kapwa residente rin sa lungsod ng Urdaneta.
Ayon sa ulat, nakiusap si Doria kay Argos na ihatid siya sa kanilang bahay mula sa handaang pareho nilang dinaluhan ngunit dinala siya ng suspek sa isang hotel.
Nagawang matawagan ni Doria ang kanyang nobyong si Manzano na sumunod sa kanila.
Nang komprontahin niya ang suspek, inilabas ni Argos ang kanyang baril saka pinaputukan ang mga biktima. Agad nadala sa Urdaneta District Hospital ang dalawang biktima na tinamaan ng bala ng baril sa kanilang mga binti.