BINAWIAN ng buhay ang dalawa katao habang sugatan ang 15 iba pa nang soroin ng isang trak ang siyam na iba pang sasakyan sa lungsod ng Tayabas, lalawigan ng Quezon, nitong Miyerkoles, 7 Abril.
Ayon sa ulat ni P/EMSgt. Elmer Maguiat, imbestigador ng Tayabas police, biglang nawalan ng kontrol nang masira ang preno ng isang Isuzu Elf Forward na minamaneho ni Jeffrey Ferreras, 31 anyos, habang nasa pababang bahagi ng Quezon Avenue sa sentro ng lungsod, sanhi ng pagbangga nito sa hilera ng siyam na iba pang mga sasakyan dakong 8:55 am.
Matapos umanong soroin ang mga sasakyan, tuluyang bumangga ang trak sa isang bahay sa tabing kalsada.
Ayon sa pulisya, lubhang nasugatan si Ferreras at pahinanteng si Junathan Simballa, 44 anyos, na kapwa pumanaw habang dinadala sa pagamutan.
Ayon sa ulat, dinala sa Tayabas Community Hospital ang 12 drivers at mga pasahero ng anim na motorsiklo, dalawang kotse, at isa pang trak.
Kabilang din sa nasugatan ang isang pedestrian at dalawang nakatira sa nabanggang bahay.