PARA matugunan ang agarang pangangailangan ng mga pasyente ng CoVid-19 sa pagsirit ng bilang ng mga kaso, binuksan nitong nakaraang Huwebes Santo, 1 Abril, ang mga karagdagang isolation facilities sa lalawigan ng Pampanga.
Ininspeksiyon ni Governor Dennis “Delta” Pineda ang provincial isolation facility sa lungsod ng San Fernando na mayroong 90-bed capacity, puwedeng paglalagakan ng mga magpapamilyang asymptomatic sa CoVid-19.
Inikot din ng gobernador ang isolation facility sa Brgy. Sta. Catalina sa bayan ng Lubao.
Ayon kay Pineda, sa hilera ng mga itinakdang isolation facility ay tatlong ‘bay’ mula rito ang itatalagang hospital set-up, may mga team ng mga doktor at nurse sa Nurse Station na mag-aasikaso at palagiang imo-monitor ang kalagayan ng mga pasyente.
Ang mga bagong pasilidad ay may kanya-kanyang kuwarto, airconditioning unit at banyo na magagamit ng mga pasyente.
Tinitiyak ni Pineda, magiging maayos at komportable ang mga pasyenteng Kabalen, bukod sa libreng medisina at gamot ay may pagkain tatlong beses kada araw na irarasyon sa tamang oras.
May mga nakahandang dextrose at oxygen kapag nangailangan ang mga pasyente.
Pinasalamatan ni Pineda ang Clark Development Corporation (CDC) sa donasyong digital X-Ray machine na nagkakahalaga ng mahigit P4- milyon para mai-monitor ang kalusugan ng mga pasyente.
May mga pulis na itinalaga para matiyak ang seguridad sa loob ng pasilidad.
Samantala, may itinayong disaster building bilang evacuation center sa panahon ng kalamidad katabi ang isolation facility para sa isang one-time operation, na mula naman sa donasyon ni DPWH Secretary Mark Villar.
Nanawagan si Governor Pineda sa mga Kabalen na huwag mag-isolate sa bahay upang agad na magamot at hindi na lumala pa.
Payo ng gobernador, ipagbigay alam agad sa kanilang barangay, barangay health workers, at rural health units kung may mga kapamilya na dumaranas ng mga sintomas ng nakamamatay na virus. (RAUL SUSCANO)