DINAKIP ang ilang indibidwal na gumagamit ng pekeng medical certificate upang makapanlamang para ma-qualify sa mga sektor na babakunahan.
Sa ibinahaging impormasyon ni Office of the Mayor Chief of Staff Cesar Chavez, nakakulong na sa Manila Police District at iniimbestigahan ang mga nasabing indibidwal.
Partikular na iniimbestigahan ang mga clinic at mga sinasabing nagbigay ng prescription sa mga taong nais magpabakuna kontra CoVid-19.
Sa ngayon, tanging ang hanay ng A1 at A3 lamang ang pinahihintulutang mabakunahan dahil sa kakulangan ng suplay sa bakuna.
Kabilang sa nasabing sektor ang health care workers, senior citizens at mga indibidwal na may comorbidity o karamdmaan.
Base sa regulasyon ng Inter Agency task Force maging ang Department of Health (DOH) dapat munang unahin ang frontliners at senior citizens na madaling dapuan ng sakit.
Muling nagpaalala ang DOH sa publiko na maghintay-hintay at lahat naman ay mababakunahan kapag dumating ang iba pang suplay ng bakuna.
Nagbabala ang pulisya sa mga nagbabalak pang mameke ng requirements o dokumento para lamang makapanlamang sa mga mas karapat-dapat na mabigyan ng unang dose ng bakuna kontra CoVid-19.