ITINANGGI ni Mayor Dennis Hernandez na pondo ng bayan ang ipinambili sa 11 units ng motorsiklong Yamaha NMAX na ipinamahagi sa Sangguinang Kabataan chairpersons sa bayan ng Montalban, lalawigan ng Rizal.
Sinabi ng alkalde sa kanyang Facebook account, donasyon umano ito ng A Riders Group na nais makatulong sa mga kabataan.
Giit ni Hernandez, hindi kailanman maglalaan ng pondo sa katulad na proyekto ang lokal na pamahalaan lalo ngayong may pandemya, ngunit nangakong palalakasin ang sektor ng kabataan.
Inamin ng alkalde na gagamitin ng SK chairs ang ‘kontrobersiyal’ na mga motorsiklo sa proyektong “Stroll Kame.”
Binatikos ito ng ilang netizens na nagsabing batay sa Republic Act 6713, bawal sa public officials o empleyado na tumanggap ng anomang donasyon o regalo mula sa private sector.
Idinagdag din ng mga netizen ang Presidential Decree No. 46 na nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos noong Nobyembre 1972.
Anila, maaaring makulong ang public official/s at empleyado ng isa hanggang limang taon at diskalipikasyon sa anomang public office.
Hiniling ng netizens sa alkalde na sagutin ang larawan sa ibaba na sila mismo ng kanyang kapatid na kapitan ang namahagi at ipakita ang resibo na ang bumili ng 11 units ng motorsiklo ay ang A Riders Group at hindi galing sa pondo ng bayan.
(EDWIN MORENO)