INAPROBAHAN ng Muntinlupa City Council ang resolusyon na humihiling sa Department of Justice (DOJ) na maglabas ng order ang Bureau of Corrections (BuCor) para sa muling pagbubukas ng kalsada mula at patungo sa Southville 3 sa Brgy. Poblacion sa Muntinlupa City.
Kasunod ito ng isinagawang pagsasara ng pamunuan ng BuCor sa New Bilibid Prison (NBP) Road, ang daanan ng mga residente papasok sa Muntinlupa na matatagpuan sa loob ng NBP Reservation sa lungsod.
Hiniling ng Barangay City Council ang pagbubukas ng kalsada patungo at mula sa NHA, Southville 3 sa Brgy. Poblacion, isa sa pangunahing naapektohan ng pagsasara sa nasabing kalye dahil ito lamang ang pinakamalapit na daan papasok sa kanilang mga trabaho.
Natigil umano ang konstruksiyon ng pagtatayo ng bakod nang makausap ni Rep. Rufino Biazon, ang pamunuan ng BuCor at nagsagawa ng imbestigasyon sa tulong ng legislative staff kaugnay ng pagsasara ng daan patungo at mula sa Southville 3.
Hinihintay ng mga residente at ng Muntinlupa City government ang tugon ng DOJ sa resolusyon kaugnay ng kanilang kahilingan na maglabas ng bagong order sa muling pagbubukas ng daanan mula Southville 3 papasok sa lungsod ng Muntinlupa.
(JAJA GARCIA)