NATAGPUAN ng mga operatiba ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang katawan ng tatlong trabahador na natabunan nang gumuho ang bahagi ng isang gusaling ginigiba sa Ermita, Maynila.
Kinilala ang mga namatay na trabahador na sina Richard Bugarin, Joseph Lacsa, at Jomar Torillos.
Agad isinugod sa pagamutan ang dalawa pang sugatan na hindi agad nakuha ang pangalan.
Sa ulat, 8:00 pm nitong Sabado nang gumuho ang isang bahagi ng ginigibang Philam Life Building sa United Nations Avenue.
Ayon sa BFP-NCR, gumuho ang ground floor at basement ng 6-storey building.
Nakuha ng BFP-National Capital Region ang katawan ng tatlong na-trap na trabahador dakong 12:00 am kahapon, araw ng Linggo.
Ayon kay P/Lt. Col. Evangeline Cayaban, hepe ng Manila Police District Station 5, natagpuan ang tatlong lalaki na magkakatabi at dalawang demolition worker ang isinugod sa ospital.
Ayon sa hepe na si P/Capt. Henry Navarro, posibleng may pananagutan ang contractor at subcontractor ng demolition team.
“Kung makita natin na in the course ng kanilang operation, may nakitang kapabayaan, maaari silang maging liable through Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide and Serious Physical Injuries. File natin ang sub-contractor at safety officer,” ayon kay Navarro.
Dagdag niya, “All throughout the operation, kailangan lahat ng safety measures, strictly ma-observe para ma-prevent o maiwasan ang mga ganyang aksidente.”
Isa sa tinitingnan kung bakit hindi agad nai-report sa pulisya ang pangyayari. Dakong 5:00 pm na umano iniulat sa pulisya ang pagguho.
Ayon kay Cayaban, “Naging concern lang namin, medyo matagal ang report sa amin regarding sa nangyaring insidente.”
Wala pang pahayag mula sa may-ari ng gusali o sa sub-contractor.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.