NAHAHARAP sa bagong kaso ng kidnaping at panggagahasa ang isang konsehal ng Lopez, lalawigan ng Quezon matapos maghain ng pormal na reklamong administratibong Grave Abuse of Authority, Grave Misconduct, at Dishonesty and Oppression ang 18-anyos biktima sa tanggapan ng Ombudsman.
Sa pitong pahinang sinumpaang salaysay ng biktima na kinilalang alyas Sharon, direktang tinukoy si Lopez Councilor Arkie Manuel Yulde a.k.a. Konsehal Yulde – sinabing malapit na alyado ni Quezon Province Governor Danilo Suarez — suspek sa kidnapping at panggagahasa sa 18-anyos biktima.
Salaysay ng dalaga, noong gabi ng 6 Abril 2019, inalok sila ng kanyang katrabaho, ni Konsehal Yulde na ihahatid sa kani-kanilang mga bahay.
Matapos maihatid ang kasamang katrabaho sa bayan ng Pagbilao, hindi na umano inihatid ang dalaga kundi sapilitang isinama sa isang hotel sa San Pablo City, Laguna at doon ikinulong at pinagsamantalahan mula gabi ng 6 Abril hanggang umaga ng 8 April.
Dagdag ng dalaga, habang siya ay bihag ni Konsehal Yulde, narinig niya na may tumatawag sa cellphone ng konsehal na ikinairita nito at napamura ng “Puta, tumawag na naman si congressman na bakla,” at sabay sinagot nito.
Dinig na dinig umano ng dalaga ang kausap ng Konsehal sa kabilang linya na nagsasabing wala na siyang ‘supply’ at kailangan maghatid ang konsehal kaagad sa kanya.
Umaga ng 8 Abril, nang inilipat ng Konsehal ang bihag na dalaga sa isang budget hotel sa Pasig City at doon ipinagpatuloy ang pambababoy at panggagahasa habang sa pakiramdam niya ay ‘sabog’ ang Konsehal sa ipinagbabawal na gamot.
Aniya, umabot nang halos apat na araw ang pambibihag sa Pasig City.
Noong hapon ng 11 Abril, muling inilipat ng konsehal ang kanyang bihag sa isang hotel sa EDSA sa Quezon City. At doon ay muling ikinulong at ilang beses pinagsamantalahan ang dalaga na noon umano ay bangag na bangag.
Noong 13 Abril, naibalik ang biktima sa kanilang tahanan sa bayan ng Mauban.
Nag-abot umano ng pera si Konsehal Yulde sa Lola ng biktima para masiguro ang katahimikan nito.
Matatandaan, unang nadawit si Yulde sa parehong kaso ng kidnapping at panggagahasa sa isa pang biktima noong Marso 2020 gamit ang parehong modus.
Kung mapapatunayan ang kasong administratibo, si Yulde ay agad na maaalis sa kanyang puwesto at habangbuhay na pagbabawalang tumakbo at humawak ng kahit anong posisyon sa pamahalaan.