SINIMULAN nitong Lunes ng gabi ang pagpapatupad ng mas mahabang curfew hours sa lungsod ng Maynila bunsod ng patuloy na pagtaas ng aktibong kaso ng CoVid-19 hindi lamang sa lungsod kundi sa buong Metro Manila.
Batay sa ipinatutupad na ordinansa sa lungsod ng Maynila, simula 8:00 pm hanggang 5:00 am ang curfew hours sa edad 16 anyos pababa habang 10:00 ng gabi hanggang 5:00 am sa pangkalahatan.
Maging ang mga tindahan, karinderya, piso net, at anumang establisimiyento sa lung-sod ay kailangan isarado pagsapit ng 10:00 pm.
Para sa mga nagta-trabaho, kailangan dalhin ang identification card ng kompanyang pinapasukan.
Pinaalalahanan ng lokal na pamahalaang lungsod na batay sa ipinapatupad na alituntunin ng IATF, bawal pa rin lumabas sa lahat ng oras ang 15 anyos pababa at 65 anyos pataas.
Muling nanawagan ang lokal na pama-halaang lungsod sa publiko partikular sa mga Manilenyo na huwag kalimutang magsuot ng face mask at face shield, palagiang maghugas ng kamay at pananatilihin ang physical distancing.