NASA Pilipinas na nga si Anne Curtis, pero kahit pala noong nasa Australia sila ng mister n’yang si Erwan Heussaff halos noong buong 2020 para sa panganganak ng aktres sa una nilang supling, lihim itong tumulong sa dalawang magkapatid na nasa Pilipinas.
Ang magkapatid na iyon ay sina Ronald at Reymark Molbog. May malubhang sakit si Reymark na nangangailangan ng operasyon. Ipinost nila sa social media ang panghihingi ng tulong at ang maigaganti lang nila ay ang mga sketch ni Ronald na isang debuhista.
Ni hindi nga kay Anne diretsong humingi ng tulong ang magkapatid pero noong makarating kay Anne ang sitwasyon nila, agad pinakilos ng aktres ang ang charity foundation n’ya sa Pilipinas, ang Dream Machine na tumutulong sa mga kapuspalad at nagpapatayo ng mga classroom sa mga public school.
Ang Dream Machine ang nagbayad sa operasyon ni Reymark kaya lubos at abot-abot ang pasasalamat nila ni Ronald kay Anne.
At ngayong nasa Pilipinas na si Anne, gusto sana nilang madala ang sketch ni Ronald, portrait nina Anne at Erwann, kay Anne ng personal bilang pasasalamat.
Alam na rin ni Anne ang intensyon ng magkapatid. Actually, noong November 22, 2020 pa nag-post si Ronald sa Twitter ng artwork niya para sa mag-asawa.
Ang mensahe ni Ronald ay (published as us): ”Hi Ms. Anne, ako po ‘yung kapatid ni Reymark, ‘yung inoperahan po. Maraming-maraming salamat po ulit sa tulong niyo sa amin sa operasyon niya.
“Ginawan ko nga po pala kayo ng charcoal portrait. Gusto ko sanang ibigay sa inyo.”
Hindi nasayang ang tweet ni Ronald dahil nakatanggap agad siya noon ng sagot mula kay Anne, ”Awwww pakisabi sa kapatid. Maraming-maraming salamat. This is so sweet.”
Ang heartwarming at inspiring na pagtulong ni Anne sa Molbog brothers ang feature story ng Cabinet Files ni Jojo Gabinete sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong November 22, 2020.
Siguro naman ay mapagbibigyan ni Anne ang pakiusap ng magkapatid.
Oo nga pala, isang fan ni Anne ang nag-tweet ukol kay Ronald na nanghihingi ng tulong sa madla. Nag-tag kay Anne ang fan, at ipinaasikaso agad ni Anne sa foundation n’ya ang pagtulong sa magkapatid.
Samantala, inaabangan ng madla ang pagbabalik ni Anne sa It’s Showtime. Wala namang balitang ‘di na siya babalik doon. Pwede naman siguro siyang bumalik kahit na ‘di tanggalin si Kim Chiu na ipinalit sa kanya habang nasa Australia siya.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas