“POSIBLENG i-shutdown ko ang Maynila.”
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa kanyang “The Mayor’s Address to the City of Manila” nitong araw ng Linggo sa kanyang social media account.
“Kung nakikita ko na nagpapabaya tayo at kinakailangang ihinto ko ang pag-inog ng Maynila gagawin ko po ‘yun. Mapangalagaan ko lang ang kaligtasan ng bawat isa sa inyo,” ani Mayor Isko.
“Kung kinakailangan kong maproteksiyonan ang mga lolo at lola ninyo, ang mga tatay at nanay ninyo, mga anak ninyo, gagawin ko. Hindi po ako mangingimi,” dagdag ng Alkalde.
Inilinaw ni Isko, sa ngayon, gusto niyang maipagpatuloy ang kabuhayan, trabaho, at iba pang pagkakakitaan ng mga Manilenyo dahil una nang nabanggit na hindi kayang pakainin ng lokal na pamahalaan ang bawat pamilya sa lungsod.
“Mas gusto ko na nakapaghahanapbuhay kayo, may trabaho kayo, may mapagharimunan kayo. Pero gusto ko naman na maging responsable kayong mamamayan, wala akong ibang hinihingi. Lahat ng ‘yan susuklian ko mapa-umaga, gabi, hatinggabi, madaling araw, na mapaglingkuran kayo nang mainam, masinop at episyente,” saad ng Alkalde.
“But I need your help, I need all of you to cooperate. Kailangan ko ang tulong ninyo. Nagtutulungan ang pamahalaan at ang mamamayan. Gusto ko sa ngayon tuloy ang pangangalaga sa buhay, tuloy ang pangangalaga sa kabuhayan dahil marami nang nawalan ng trabaho at maraming magugutom,” diin ng alkalde.
Kaugnay nito, sa pinakahuling datos ng Manila Health Department, umabot sa 1,549 aktibong kaso ng CoVid-19 ang naitala ngayong araw sa lungsod ng Maynila, na ang 270 ay naitalang bagong kaso.
Kaya muling nagpaalala si Mayor Isko sa Manilenyo na maging responsable at magkaroon ng malasakit sa pamilya upang hindi na kumalat ang impeksiyon dulot ng CoVid-19 salungsod.
Aniya, “Panatilihin ang pagsunod sa minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng mask at face shield, palagiang maghugas ng kamay at panatilihin ang physical distancing.