HILING ng isang tourism group sa pamahalaan na tulungan ang mga manggagawa sa sektor ng turismo na makapag-loan sa financial institutions na walang kolateral ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Turismo, Isulong Mo Pres. Raissa T. Melivo, malaking tulong kung makapag-loan ang mga manggagawa sa tourism industry para sa kanilang munting kabuhayan habang lugmok pa ang turismo sa buong mundo.
“It would be a big help kung hindi na sila hingan ng collateral kung P5,000 to P20,000 lang naman ang hihiramin nila,” dagdag ni Melivo.
Aniya, “marami kaming nakakausap at ito ang pakiusap nila sa pamahalaan, sa Department of Tourism, Department of Trade and Industry at Department of Finance na matulungan silang maitawid itong pandemic by opening a small business habang wala pa ang mga turista.”
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mahigit sa apat na milyong Pinoy ang hindi pa nakababalik sa trabaho dahil marahil nagsara ang kanilang pinagtatrabahuan.
At sa kalkulasyon ng Turismo Isulong Mo, mahigit sa 10,000 tourism workers ang hindi pa nakababalik sa kanilang trabaho.