EPEKTIBO ngayong Lunes, 15 Marso hanggang 31 Marso 31, ang liquor ban sa lungsod ng Parañaque batay sa utos ni Parañaque city mayor Edwin Olivarez.
Ibig sabihin, bawal ang pagbebenta ng alak at iba pang nakalalasing na inumin sa lungsod, batay sa rekomendasyon ni Business Permit and Licensing Office (BPLO) chief Atty. Melanie Malaya, habang ipinatutupad sa National Capital Region (NDR).
Ang rekomendasyon ni Malaya ay dahil umano sa paglobo ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (CoVid-19) sa lungsod.
Ayon sa ulat ng City Health Office (CHO), may kabuuang 554 kaso sa Parañaque, kabilang ang mga taong walang address at hindi tukoy na mga barangay.
Umabot sa 99, ang bagong kaso na naitala nitong 13 Marso 2021, sa kabila ng ipinatutupad na health at safety protocols.
Aniya, layunin nitong mapigilan ang lalo pang pagsirit ng kaso ng virus.
Inatasan ni Olivarez ang BPLO, mga barangay, at lokal na pulisya na ipatupad ito sa lahat ng establisimiyento, kabilang ang mga restaurant, bars, beer houses, KTVs, groceries at supermarkets, convenience stores, sari-sari stores na naisyuhan ng liquor permits.
(JAJA GARCIA)