TINURUKAN ng bakuna ang tinatayang 600 medical frontliners ng 2nd Infantry Division (ID) ng Philippine Army sa vaccination rollout ng CoVid-19 vaccine sa Camp Capinpin, sa bayan ng Tanay, lalawigan ng Rizal, nitong Sabado, 13 Marso.
Magkasamang tinanggap nina Brig. Gen. Rommel Tello, Assistant Division Commander, at Tanay Mayor Rex Manuel Tanjuatco kamakalawa ang 1,200 vials ng CoVid-19 vaccine na hindi binanggit kung Sinovac o AztraZeneca, para sa jungle fighters mula sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines.
Sinaksihan ng dalawang opisyal ang symbolic vaccination ceremony nang sumailalim sa pre-screening ang AFP medical frontliners bago tinurukan at post evaluation naman para i-monitor kung magkakaroon ng adverse effects following immunization (AEFI).
Sa datos ng 2nd Army Hospital sa lugar, nasa 1,200 vials ang inilaan sa 600 recipients mula sa 2nd ID.
Kasabay nito, hinimok ni Tello ang lahat ng sundalo na huwag matakot magpabakuna.
“Let us move forward in ending the pandemic by taking the vaccine at hand so that we will be able to perform our mandate to serve the people with confidence and without hesitation of getting infected. So, roll up your sleeves and get it,” ani Brig. Gen. Tello.
Mahigpit na ipatutupad ang minimum health standard sa paggamit ng face shield, mask, physical distancing, proper hygiene, at sanitation sa vaccine rollout sa mga kampo ng militar.
(EDWIN MORENO)