NAKORNER ang isang 21-anyos dental technician sa bayan ng Ramon, lalawigan ng Isabela sa isang entrapment operation nitong Martes, 9 Marso, matapos magpanggap na isang dentista upang mahikayat ang kanyang mga kliyente sa mas murang ustiso at mga retainer.
Kinilala ang suspek na si Jolly Mae Soriano, 21 anyos, huli saktong tumatanggap ng marked money mula sa undercover agent na nagpagawa ng retainer sa kanya.
Ayon kay Timoteo Rejano, hepe ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Isabela, inamin ni Soriano na wala siyang lisensiya upang maging dentista.
Ani Soriano, inaamin niya ang kanyang pagkakamali at humihingi siya ng pangalawang pagkakataon dahil bata pa ang kanyang dalawang anak na babae at wala umanong mag-aalaga sa kanila.
Ayon kay NBI agent Federico Salamero, ikinasa ng mga awtoridad ang entrapment operation matapos ireklamo ng mga miyembro ng Philippine Dental Association Isabela – Kalinga Chapter ang ilegal na gawain ni Soriano.
Nasamsam ng mga ahente ng NBI ang mga dental equipment at iba pang kagamitang ginagamit ni Soriano.
Dagdag ni Salamero, kung mapatutunayang nagkasala, makukulong ng dalawang taon at pagmumultahin ng P200,000 si Soriano.