VERY important person (VIP) daw ang dating ng bagwoman o enkargada ng Plaza Miranda detachment sa Quiapo, Maynila.
Siya lang umano ang may ganitong posisyon sa lahat ng presinto at detachment sa Manila Police District (MPD).
Kinilala ng mga vendor ang enkargada na isang PO Tres MamSer, lehitimong pulis na nakatalaga sa Plaza Miranda detachment.
Sinasabi ng mga vendor sa buong area ng Quiapo na napakalupit daw nitong si PO Tres, lalo sa pangongolekta. Hindi raw puwedeng mag-pass o maki-usap man lang.
Minsan na raw ‘nasilip’ o ‘nasita’ sa kanyang ‘itinatakdang’ kalakaran ngunit mukhang ‘malakas’ at ‘matatag’ daw sa mga kinauukulan.
Sinibak lang daw sa posisyon kunwari ngunit binago lang ang estilo at pamamaraan ng kanyang pangongolekta ngunit sa suma tutal daw ay siya pa rin ang nagdadala ng martsa.
Para raw magmukhang kapani-paniwala, hindi na raw nagpapakita sa mga vendor nang personal bagkus ay mga kolektor nito ang kumikilos at lumalabas na kanyang mga front.
Personal daw na inendoso at ibinilin ang kanyang mga kolektor. Ang mga inendoso daw ng enkargada ang lalabas na kanyang mga representante.
Ito rin anila ang dahilan kung kaya’t binansagan siyang isang VIP. Siya lang ang my ganitong pribilehiyo sa lahat ng mga enkargada sa presinto at mga detachment na nasasakupan ng MPD.
Kung ikokompara sa pagkuha ng mga importanteng papeles at dokumento, in absentia at no personal appearance si MamSer Enkargada lalo sa pagkolekta. He he he…
Talagang iba raw ang dating ni PO Tres dahil inihahatid na lang sa kanyang bahay ang koleksiyon sa tulong na rin ng ibang pulis na nakikinabang din sa kanya, VIP nga, ‘di po ba?
Ito raw ang pamamaraan ni PO Tres mula nang siya ay masilip at mapuna ni Yorme noong nakalipas na mga buwan. Moro-moro lang daw ang ginawang aksiyon ngunit hanggang sa kasalukuyan ay siya pa rin — the real bagwoman.
Hindi lang natin malaman kung itong si MamSer ay kinokonsinti ng kanyang superyor partikular ang detachment commander ng Plaza Miranda at Station Commander ng MPD-PS3 na nakasasakop dito.
ANO NAMAN KAYA ANG PALAKAD
NG VENDORS ORGANIZER
SA QUIAPO?
Hanggang sa ngayon ay blanko pa rin ang ating isipan hinggil sa ginagawang palakad ng vendors organizer sa Plaza Miranda at buong area ng Quiapo.
Kung ang MamSer na bagwoman ng Plaza Miranda ay ganon na lang ang ginagawang estilo ‘e ano naman kaya ang paraan nitong si Chairman Bee? Halos pareho lang naman ang kanilang trabahong ginagampanan.
Kung nag-iiyakan ang mga vendor sa palakad ni PO Tres, umiiyak din kaya sila sa estilo ni Chairman Bee na alam nating mas makapangyarihan kaysa una.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang sagot sa mga inuugnay sa butihing chairman na ‘di kaila sa atin ay isa sa mga taong pinagkakatiwalaan ng ating masigasig na Alkalde.
Isa lang ang ating sinisiguro. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay makikita natin si Chairman Bee sa bisinidad ng Quiapo at personal na ginagampanan ang trabahong iniatas sa kanya, hindi kagaya ni MamSer na kailangan pang ihatid sa kanyang bahay ang koleksiyon mulsa sa mga vendor, parang may kulay at cover-up ha?
YANIG
ni Bong Ramos