ARESTADO ang isang lalaking nagtatago sa batas dahil sa kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Person Act of 2003 nitong Lunes, 8 Marso, sa bayan ng Kalayaan, lalawigan ng Laguna.
Kinilala ang suspek na si Ricardo Valdez, alyas Kuya Paw, 38 anyos, may-asawa, laborer, at residente sa Brgy. Poblacion IV, sa bayan ng Victoria, sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Nabatid na dakong 7:30 am noong Lunes nang madakip ang suspek sa Purok 6, Brgy. San Juan, sa naturang bayan, ng pinagsamang puwersa ng Kalayaan MPS (Lead Unit) sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni P/Lt. Ace Vergel Geñoso, OIC ng Victoria MPS ng Oriental Mindoro, 1st Laguna PPMFC, at 1st Infantry Division ng Delta Coy ng Philippine Army na nagkasa ng operasyong LOI Manhunt Charlie laban kay Valdez.
Sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Person Act of 2003 na sinusog ng RA 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Person Act of 2012 na nilagdaan ni Hon. Judge Rosalie Ang-Lui, Presiding Judge of Family Court Branch 12, ng Naujan, Oriental Mindoro, may petsang 28 Enero 2021.
Kasalukuyang nasa ilalim ng pangangalaga ng Kalayaan MPS-custodial facility para sa wastong disposisyon.
Walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
(BOY PALATINO)