AABOT sa higit 50 bahay ang idinemolis ng Philippine Army sa loob ng kampo sa Fort Bonifacio, Taguig City, iniulat kahapon.
Sa impormasyon, nabatid na tatlong dekada nang ginagamit ng mga sibilyan ang kampo at pinagkakakitaan ng ilang residente.
Noong una, anim na pamilya umano ang pinayagang tumira sa loob ng kampo hanggang dumami ang mga naninirahan sa loob ng kampo militar.
Halos nasa dalawang ektaryang lupain sa loob ng kampo na tinayuan ng mga bahay ng mga sibilyan ang sinabing lugar.
Ilan umano ang nagtayo ng paupahan, bilyaran, at mga kainan, kahit ipinagbabawal ng gobyerno ang pagtatayo ng permanenteng estruktura sa loob dahil kampo ng mga sundalo.
Nakakuha rin umano ng ilegal na droga sa ilang residente sa loob ng kampo, bukod pa sa ‘pekeng’ granada.
Nang lumabas ang court order, sinimulan ang demolisyon sa mahigit 50 kabahayan na nakatirik sa kampo ng Philippine Army. (JAJA GARCIA)