NAARESTO ng mga awtoridad ang dalawang tulak ng ipinagbabawal na gamot na hinihinalang high-value targets (HVTs) at nasamsam ang P16-milyong halaga ng mga bloke-blokeng marijuana, sa bayan ng Quezon, lalawigan ng Isabela, nitong Sabado, 6 Marso.
Kinilala ni P/Col. James Cipriano, direktor ng Isabela PPO, ang mga nadakip na suspek na sina Anwar Sindatoc, 54 anyos, ng lungsod ng Las Piñas; at Elson Cabunyag, 43 anyos, mula sa Port Area sa lungsod ng Maynila.
Ayon sa mga imbestigador, nahuli ang mga suspek na nakikikipagtransaksiyon sa isang undercover agent sa loob ng umaandar na kotse sa boundary ng Brgy. Abut, sa naturang bayan, at lungsod ng Tabuk, sa lalawigan ng Kalinga.
Nagkaroon ng habulan sa pagitan ng mga pulis at mga suspek ngunit tuluyan silang naharang sa isang quarantine control checkpoint sa bayan ng Quezon.
Nasamsam ng pulisya ang mga sari-saring kahon, mga karton, at mga sakong naglalaman ng may kabuuang 126 bloke ng marijuana, tubular marijuana dried leaves, at hashish.
Sasampahan ang dalawang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.