PAGKALIPAG ng 19 taon, magbabalik at gagawa ng pelikula si Sharon Cuneta sa Viva Films.
At sa pagbabalik ng megastar sa bakuran ng Viva Films, mukhang mas lalo pang sisikat ang kontrobersiyal na director-scriptwriter na si Darryl Yap, dahil siya ang naitokang magdirehe ng Viva sa comeback film ni Sharon.
Actually, si Darryl din ang may likha ng script ng comeback film ni Sharon, at ang script ay may kakatwang titulo na Revirginized.
Ang mga detalye sa itaas ay mula sa report sa PEP entertainment website ng katoto sa panulat na si Jojo Gabinete.
Ayon pa rin kay Jojo, ang Revirginized ay isang salita na tungkol sa isang tao na hindi nakikipagtalik sa mahigit tatlong taon o isang babae na sumailalim sa vaginal tightening surgery.
Sina Cristina Gonzales, Rosanna Roces, at Albert Martinez ang mga co-star ni Sharon at si Marco Gumabao ang “leading man” niya sa pelikula na uumpisahan ang shooting sa unang linggo ng March 2021.
Pero ‘di pa inilalahad ng batang direktor-scriptwriter ang istorya ng pelikula. Noong February 15 lang n’ya matapos ang script na siyang pinakamahalaga sa buhay n’ya.
Ang principal photography ng Revirginized ang pinaghahandaan at pinagkakaabalahan ngayon ni Direk Darryl.
Gayunman, ayon pa rin kay Jojo, naglaan ng panahon ang masigasig na direktor-scriptwriter ng Tililing para sagutin ang puna ng Philippine Nurses Association na kawalang-galang umano sa nursing profession ang paggamit ng “Nurses cap as an adornment and the Nurses uniform in a hilarious and indecent scene,” dahil tina-”tarnish” [dinudungisan] at iniinsulto ng mga eksenang ‘yon ang “sacred regard nurses have of… the symbols of our long tradition of caring.”
Deretsahang hiling ng PNA: ”We respectfully demand from the movie production that the movie snippets be taken out of circulation; edit the whole movie and the scene/s be removed before release.”
Sagot ni Direk Darryl, ayon kay Jojo: ”Marami akong kaibigang Nurses, marami rin akong kamag-anak na Nurses.
“Ang kaisa-isa kong kapatid ay isang nurse. Ikararangal nila ang pagganap ng nurses sa pelikulang ito; mga nurses na hindi nagiging nurse dahil lang sa kasuotan— Nurses—dahil higit ang kalidad ng pang-unawa.”
Sa tindi ng mga puna sa Tililing, malamang na maging malaking hit ito. Alam n’yo na naman dito sa atin, mas kontrobersiyal ang isang pelikula, mas maraming masamang puna, mas tinatangkilik ng madla.
Kasabay na ipalalabas ng Tililing ang Ayuda Babes, ni Joven Tan. Sa Vivamax streaming ang Tililing at sa iWantTFC naman ang Ayuda Babes.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas