ISANG virtual awards ang magaganap sa 4th EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd). Ang pagbibigay parangal sa mga de-kalidad at natatanging pelikula ay gaganapin sa Marso 22, 2020.
Labing-apat na kategorya ang paglalabanan, kabilang na ang Best Picture, Best Director, Best Actress at Best Actor.
Bukod dito, ilulunsad din sa 4th EDDYS ang Isah V. Red Award bilang pagkilala at pag-alala sa yumaong founding president ng SPEEd na si Isah V. Red.
“This recognition is given to individuals like him — a dynamic and spirited renaissance man with a deep love for God, country and community — who beyond the realm of entertainment has so enriched and made a difference in the lives of many, in his most colorful, gregarious and inimitable way,” ani SPEEd president, Ian Fariñas.
Unang tatanggap ng IVR award sina Senator Bong Revilla Jr., Angel Locsin, Kim Chiu, Ramon Ang, Rei Anicoche-Tan, at Claire de Leon-Papa para sa kahanga-hanga at walang katulad na pagbabahagi ng tulong sa mga Filipinong naapektuhan ng global health crisis.
Kaabang-abang din sa ikaapat na edisyon ng EDDYS ang pagbibigay-parangal sa sampung karapat-dapat at inirerespetong alagad ng sining.
Ang EDDYS Icon awardees ngayong 2021 ay sina Gloria Sevilla, Ronaldo Valdez, Pilar Pilapil, Boots Anson-Rodrigo, Gina Pareño, Dante Rivero, Tommy Abuel, Caridad Sanchez, Joel Lamangan, at Ricky Lee.
Samantala, ang tatanggap naman ng EDDYS special awards na Joe Quirino Award ay ang TV-radio host-columnist na si Lolit Solis; sa Manny Pichel Award ay ang entertainment columnist na si Mario Bautista; sa Rising Producers’ Circle ay ang Blacksheep Productions, at ang Producer of the Year ay ang The IdeaFirst Company.
Bibigyan ng posthumous recognition sina Peque Gallaga, Tony Mabesa, Menggie Cobarrubias, Ramon Revilla Sr., at Tony Ferrer.
Ang pagbibigay-parangal ng SPEEd ay isang paraan para hikayatin, lalong pataasin ang morale at patuloy na magbigay-inspirasyon sa Filipino filmmakers, producers, writers, actors at iba pang kasama sa pagbuo ng isang matino at de-kalidad na pelikula.
Ang SPEEd ay samahan ng mga entertainment editor ng major broadsheets at tabloids sa bansa.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio