INILIGTAS ng pulisya ang isang Chinese national mula sa kapwa Chinese dahil sa ilegal na pagkulong sa kanya sa lungsod ng Biñan, lalawigan ng Laguna, gabi ng Lunes, 22Pebrero.
Ayon kay P/Col. Serafin Fortuno Petetalio II, hepe ng Laguna PPO, sinagip ng lokal na Special Weapons and Tactics (SWAT) ang hindi pinangalanang biktima mula sa Las Villas de Manila Subdivision sa Brgy. San Francisco, sa naturang bayan dakong 11:30 pm.
Ayon sa ulat na natanggap ng Biñan City police station mula sa isang concerned citizen, may isa umanong Chinese national na ilegal na nakakulong sa loob ng subdibisyon.
Matapos maberipika ang impormasyon, agad ipinadala ni P/Lt. Col. Giovani Martinez, hepe ng Biñan police, ang SWAT team upang masagip ang biktima.
Natagpuan ng rescue team ang biktima na nakatali ang dalawang kamay sa loob ng isang bahay sa naturang subdibisyon.
Samantala, agad dinakip ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Zhang Chen, 25 anyos.
Ayon sa biktima, tatlong araw na siyang ikinulong ng suspek at tatlong araw na rin nakatali ang kanyang mga kamay.
Hindi binanggit sa ulat ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa likod ng ilegal na pagkulong sa biktima.
Nagawa umanong makontak ng biktima ang kanyang mga kaibigan gamit ang kanyang cellphone upang ipaalam sa mga awtoridad ang kanyang kalagayan.
Kasalukuyang nasan kustodiya ng Biñan police ang suspek habang inimbestigahan ang insidente.
(BOY PALATINO)