HINDI politiko kung hindi mga eksperto sa agham at medisina ang dapat pakinggan sa pagbabalik ng “face to face classes” ayon kay Pasig City Congressman Roman Romulo.
Kasabay nito ang pagpapabuo ng kongresista na Chairman ng House Committee on Basic Education and Culture (HCBEC) sa Department of Education (DepEd) ng grupo ng mga dalubhasa na siyang mag-aaral at magpapasya sa muling pagbubukas ng mga eskuwelahan ng “face to face classes” sa mga mag-aaral.
Banat ng kongresista, hindi dapat ang mga politiko ang masusunod sa isyu.
Hindi aniya puwedeng itulad ang sitwasyon ng Metro Manila sa ibang urban cities kung paiiralin na ang modified general community quarantine (MGCQ) sa bansa.
Dagdag ni Romulo, depende umano ito sa rekomendasyon ng mga eksperto, at dapat pag-aralan kung uubra ang limitadong “face to face classes.”
Dapat din linawin at paghandaan ng DepEd ang mga ilalatag na panuntunan upang magbigay kompiyansa sa mga magulang na magiging ligtas ang mga mag-aaral at mga guro. (EDWIN MORENO)