MALALAGAY sa hot water ang matataas na opisyal ng Manila Electric Company (Meralco) sa oras na katigan ng Office of the City Prosecutor – Bacoor City, ang reklamong kriminal ng isang beteranong newsman kaugnay ng tinaguriang ‘bills shock’ na gumulantang sa bansa dahil sa biglaang pagtaas ng singil sa koryente habang nasa ilalim ng community quarantine ang bansa bunsod ng CoVid-19.
Nagsampa ng kasong paglabag sa Articles 286 (grave coercion) at 287 (unjust vexation) sa ilalim ng Revised Penal Code; paglabag sa Republic Act No. 7610 (child abuse); at Republic Act No. 9994 (senior citizens act), si Eduardo “Dodo” Rosario, Jr., laban kina Meralco chairman Manuel V. Pangilinan, presidente na si Atty. Ray Espinosa at iba pang opisyal, dahil sa pagputol ng power supply sa kanilang bahay habang nakabinbin ang kanyang reklamong overcharging sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Sa kanyang Complaint-Affidavit, sinabi ni Rosario, kolumnista ng dalawang weekly papers, dati ay umaabot lamang sa P4,000 ang kanilang Meralco bill na biglang tumaas noong buwan ng Abril hanggang sa Setyembre, dahil umabot ito nang mahigit sa P6,500, habang walang naganap na meter reading dahil may lockdown at community quarantine.
Ayon sa mamamahayag, sinulatan ng kanyang misis na si Myrna Rosario, rehistradong customer, noong 17 Agosto 2020, ang Meralco Bacoor Business Center, at hiniling na muling kuwentahin ang kanilang monthly bills dahil sa sobrang taas.
Dahil hindi inaksiyonan ng Meralco ang kahilingang muling kuwentahin ang mataas na monthly bills ay nagsampa ng kaso si Rosario, sa ERC at hiniling na mag-isyu ng order para pigilan ang electric company na putulin ang kanilang power supply hanggang hindi magsasagawa ng recomputation sa kanilang mataas na bill.
Dahil sa requirement sa pagsampa ng kaso, pinadalhan niya ng kopya ng reklamo ang Customer Welfare Desk (CWD) ng Meralco para makapg-rekomenda ng settlement ng kaso.
Imbes ayusin ng CWD ang kaso o abisohan ang Bacoor Business Center na magsagawa ng kaukulang recomputation ng bills nina Rosario, pilit siyang sinigil at pinutol ang kanyang power supply noong 29 Enero, habang ang kanyang mga menor de edad na apo ay nasa online class at habang siya ay gumagawa ng online news at iba pa gamit ang koryente.
“Mayroon ngang karapatan ang Meralco na maningil ng bayad sa koryente pero ang karapatang iyon ay suspendido dahil sa isinampa kong reklamo sa ERC. Anim na buwan ang inilagay ko sa aking reklamo sa ERC na mataas ang singil, pero 3 uwan nito ang hindi isinama sa kanilang sapilitang pagsingil kasi aminado silang suspendido ang kanilang karapatang maningil at mamutol ng koryente dahil sa aking reklamo sa ERC,” ani Rosario.
“Pero ang ginawa ng Meralco ay isinama sa kanilang siningil sa amin ang 3 buwan (Hunyo, Agosto, at Setyembre) na nakalagay sa aking reklamo para kapag binayaran ko ito nang walang protesta ay maaring gamiting ebidensiya sa kaso sa ERC ang aking pagbayad na mangangahulugang tinatanggap ko na tama ang kanilang sinisingil kaya mababasura ang kaso. Ito ay malinaw na ebidensiyang sadyang dinadaya ng Meralco ang kanilang customers,” paliwanag ni Rosario.
Sinabi ni Rosario, napilitan siyang pumunta sa tanggapan ng Meralco para bayaran ang pilit umanong siningil sa kanya, kaya inilagay ng electric company ang kanyang buhay at kalusugan sa peligro dahil sa CoVid-19.
Umabot umano siya ng dalawang ras sa tanggapan ng Meralco dahil ang priority lane y para sa mga nagbabayad at wala sa iba pang serbisyo nito sa mga customer.
“Napahiya at naprehuwisyo kami kasama ng pag-aaral ng mga bata dahil sa harassment ng Meralco, at nailagay sa peligro ang aking buhay na madaling mahawa ng virus dahil sa aking edad na 65-anyos at diabetic bukod sa high blood, pero naobliga akong magpunta sa Meralco para magbayad at maikabit na ang aming koryente na kailangan namin, lalo ng mga bata na nag-aaral online,” ani Rosario.
Bukod sa kasong criminal, inihahanda na rin ni Rosario ang isasampa niyang civil case para sa daños.