PATULOY ang isinasagawang sorpresang inspeksiyon at price monitoring ng Local Price Coordinating Council ng Las Piñas city government, sa iba’t ibang supermarket, pamilihang bayan, at talipapa sa lungsod.
Kabilang sa mga iniinspeksiyon at imino-monitor ang mga presyo at supply ng mga pangunahing bilihin sa SM Center, SM Hypermarket, Puregold, Vista Mall, Zapote Market, Daniel Fajardo Flea Market, at mga talipapa sa Verdant at CAA sa Las Piñas.
Bahagi ito ng suporta ng lokal na pamahalaan sa national government na layuning mabantayan at masiguro na nasa tamang presyo ang mga bilihin, matatag ang supply, estriktong naipapatupad ang 60-araw na price ceiling sa karne ng baboy at manok para sa kapakanan ng mga mamimili.
Muling pinaalalahanan ng Las Piñas LGU ang mamamayan na sumunod sa mga health and safety protocols na ipinatutupad ng IATF.
Samantala, hinikayat ng Las Piñas LGU ang mamamayan na lumahok sa isinagawang Diskwento Caravan ng lokal na pamahalaan para sa makabili sa presyong kaya ng konsumer.
Ang Diskwento Caravan ay naglalayong magbigay ng direktang discount at mas abot-kayang presyo ng iba’t ibang bilihin na swak sa bulsa at budget ng mga konsumer.
Katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at ng Department of Agriculture (DA), sa Cadena de Amor Street, Covered Court, Doña Manuela Subdivision, Barangay Pamplona Tres sa lungsod.
Magsisimula sa darating na Lunes, 22 Pebrero 2021, mula 8:00 am hanggang 2:00 pm.
Hinihikayat ng Las Piñas LGU ang mga mamimili na magdala ng kanilang sariling eco bag at kasabay na paalala sa lahat, mag-ingat, maging disiplinado at patuloy na sumunod sa health and safety protocols.
(JAJA GARCIA)