HATAW News Team
GERA na ito.
Tila inihuhudyat ng paghahain kahapon ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan ng kasong cyber-libel ang gera laban sa limang miyembro ng Caloocan City Council dahil sa malisyoso at paulit-ulit na pagkutya sa proyekto ng pamahalaang lungsod tungkol sa digital tablet para sa mga mag-aaral ng Grade 9-12 sa mga pampublikong paaralan ng syudad.
Isinampa ni Mayor Oca ang reklamo sa Caloocan City Prosecutor’s Office upang korte na ang umurirat kung may ‘katotohanan’ ba sa ‘fake news’ na ikinakalat ng mga konsehal na sina Rose Mercado, Carding Bagus, Alex Mangasar, Alou Nubla, at PJ Malonzo na sinabing lumabas sa mga social media accounts.
“Kung ako lamang ang sinisiraan ng aking mga kalaban sa politika ay maliit na bagay iyan. Sanay na tayo sa mapanirang-puring mga kalaban sa politika. Ngunit, ang malisyosong sirain ang isang makabuluhang proyekto ng siyudad para makatulong sa edukasyon at pag aaral ng mga batang taga- Caloocan sa panahon ng pandemya ay hinding-hindi ko papayagan,” pahayag ng alkalde.
“Ang proyektong pamamahagi ng digital tablets ay sumailalim sa masusing bidding at ating tiniyak na tama at maayos ang lahat ng digital tablets na binili ng pamahalaang lungsod ng Caloocan,” paliwanag ni Mayor Oca.
Kampante ang alkalde na madali niyang mapapatunayan sa korte na maayos at malinaw ang naging proseso sa pagkuha ng tablets, kontra sa alegasyon ng mga konsehal.
Nag-ugat ang isyu matapos maglabas ng video sa social media ang limang konsehal, at pinalalabas na mas mababang klase ang binili ng pamahalaang lungsod na 4G at LTE capable tablets kompara sa isang model na 3G capable digital tablet, na ayon sa kanila ay dapat binili para sa mga mag-aaral ng lungsod.
“Tayo ay nagsampa na ng habla laban sa mga indibidwal na walang awang ginagamit ang panahon ng pandemya para sa political mileage. Korte na ang huhusga at maggagawad ng hustisya,” ani Mayor Oca.