HATAW News Team
NAGBABALA si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa mga opisyal ng Land Transportation Office (LTO) na huwag maging pasaway at pag-aralan mabuti ang mga patakaran bago ipatupad.
Ang pahayag ni Panelo ay kasunod ng kontrobersiyang nilikha ng motor vehicle inspection system (MVIS).
“Puwede ba ayusin ninyo? You better shape up or ship out. Dadagdag pa kayo sa problema ni Presidente. Susmaryosep talaga,” aniya sa programang Counterpoint sa PTV noong Biyernes.
“Hindi ko naman maintindihan dagdag pa kayo nang dagdag. E may pandemya na nga…Huwag pahirapan ang mga kababayan natin,” giit niya.
Inianunsyo kamakailan ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na mandatory ang MVIS dahil sa santambak na reklamo laban sa mataas na singil sa pagpaparehistro ng sasakyan.
Giit ni Panelo, kung tutuusin ay hindi na kailangan manghimasok ang Pangulo sa isyu ng MVIS dahil trabaho ito ng transport officials.
“Alam ninyo itong mga ganito hindi na pinapasukan ng Presidente. Dapat ‘yung nandiyan sa LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board), LTO, Department of Transportation, dapat bago kayo maglabas naman kasi, pag-aralan ninyo,” ani Panelo.
Hindi lang aniya masalimuot ang MVIS kundi kalbaryo pa sa mga motorista.
“Mayroon ka ng emission test, mayroon ka pang road worthiness tapos mahal pa. Buti sana kung dali-daling maiinspeksyon. Aabutin ka nang siyam-siyam. talagang ano e, pabigat,” aniya.
GALVANTE
NILAIT
NI PANELO
NILAIT ni Panelo ang pagiging inefficient LTO chief Edgar Galvante lalo aniya sa nag-viral na video na nagmukha siyang tanga sa mali-maling sagot sa budget hearing sa Kongreso.
“Itong si Galvante. Hindi ko malaman kung saan lupalop ka nanggaling dahil binabanatan ka sa social media. Maraming naipada³a sa amin. ‘Yung radio interview mo or ‘yung sa Senate hearing…mali-mali ang mga sagot mo,” sabi ni Panelo patungkol kay Galvante.
“Pinagtatawanan ka na, nilalait ka pa tuloy. Siyempre damay na naman ang pamahalaan sa iyo. Saan ka ba galing Asec Galvante? Susmaryosep,” aniya.
Nanawagan si Panelo kay Transportation Secretary Arthur Tugade na tugunan ang mga hinaing ng mga motorista at huwag nang paabutin pa sa Palasyo.
“Secretary Art, mukhang you’re losing your… ano tawag doon? Kaya pala hindi ka na nakaka-return ng call, mukhang dinaragsa ka na ng problema ng mga bata mo riyan. Aba ayusin mo,” dagdag niya.
“Itong mga ganito hindi na ito dapat nakaaabot sa palasyo. Dapat sa level pa lang ni Sec. Tugade, tapos na ito.”
(ROSE NOVENARIO)