NATUPOK ang isang tindahan ng muwebles sa bayan ng San Mariano, lalawigan ng Isabela nitong Sabado ng gabi, 13 Pebrero, na pinaniniwalaang nagsimula dahil sa hindi napatay na upos ng sigarilyo.
Ayon kay Fire Officer 1 Shereelyn Liwag, information officer ng BFP-San Mariano, dakong 10:58 pm nang makatanggap sila ng tawag na may sunog sa isang furniture shop na pag-aari ni Junato Bernardino sa Brgy. Zone 3, sa naturang bayan
Agad nagresponde ang mga bombero ngunit malaki na ang naabutan na apoy dahil pawang kahoy ang loob ng tindahan.
Nagtawag din ng mga bombero mula sa mga karatig-bayan upang tumulong sa pag-apula ng sunog at maiwasang madamay ang mga katabing establisimiyento, kabilang ang isang gasolinahan.
Naideklarang fire out ng mga awtoridad dakong 1:00 am Linggo, 14 Pebrero.
Sa imbestigasyon, natuklasang itinapong upos ng sigarilyo ang sanhi ng sunog, bagaman inaalam pa kung sino ang responsable rito.
Ani Liwag, napunta ang may sindi pang upos ng sigarilyo sa mga nakasalansang kahoy.
Walang naiulat na nasaktan sa insidente ngunit umabot sa higit P300,000 ang tinatayang halaga ng pinsala.